-- Advertisements --

Pinasisibak na sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Oscar Albayalde ang 10 pulis ng San Rafael Bulacan Municipal Police Station.

Ito’y matapos silang nahuli kahapon ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) dahil sa pangingikil ng P50,000 mula sa isang complainant.

Tiniyak ng PNP chief na bukod sa kasong kriminal, sasampahan din ng kasong administratibo ang mga naturang pulis na posibleng humantong sa tuluyang pagkatanggal sa serbisyo.

Binigyang-diin ni Albayalde na zero tolerance ang ipatutupad ng PNP sa mga police scalawags sa pagsulong ng kanilang internal cleansing program.

Unang pormal na sinampahan ng kasong kriminal ang 10 pulis partikular ang kasong kidnapping at robbery in band sa Department of Justice.

Kinilala ni CITF spokesperson C/Insp. Jewel Nicanor ang 10 pulis na sina:
1. PSI WILFREDO DIZON JR;
2. SPO4 Gary Santos;
3. SPO2 Christopher Aragon;
4. SPO1 Dante Castillo;
5. SPO1 Jophey Cucal;
6. SPO1 Rolando Ignacio Jr;
7. PO3 Dennis De Vera;
8. PO2 Rosauro Enrile;
9. PO2 Nicanor Bautista; at
10. PO2 Chester Say-eo

Inaresto ang 10 pulis ng CITF matapos ireklamo ng pangingikil at pagtanggap ng P50,000 kapalit ng pagpapalaya sa complainant na hinuli nila noong May 19 sa hindi malamang dahilan.