-- Advertisements --

Isasailalim sa paraffin test ang lahat ng mga sangkot na pulis kaugnay sa madugong insidente sa Mandaluyong na ikinasawi ng dalawang indibidwal habang dalawa ang sugatan kagabi.

Habang ang armas ng mga nasabing pulis ay isasailalim na rin sa ballistic examination.

Ayon kay NCRPO chief police Director Oscar Albayalde na ongoing ang imbestigasyon laban sa mga sangkot na pulis na pinangunahan ng regional internal affairs service ng NCRPO.

Ang 10 pulis ay nasa kustodiya na ng Regional Police Holding and Accounting Unit (RPHAU) para sa isasagawang imbestigasyon.

Kinumpirma rin ni Albayalde na nasa 36 empty shells ng baril ang narekober ng mga imbestigastor sa crime scene.

Ang SOCO ay iniimbestigahan na rin ang crime scene at tinutukoy ang trajectory ng baril.

Batay sa inisyal na imbestigasyon at sa pahayag ng tatlong survivor sa insidente na ang mga tanod umano ang unang nagpaputok ng armas, umaandar pa lamang ang puting AUV na Mitsubishi Adventure na kanilang sinasakyan ay pinaputukan na sila ng mga tanod.

Kinilala ni Albayalde ang driver na tanod na umano’y may hawak na baril na si Giberto Gulpo na kasamang iimbestigahan.

Aalamin din ng PNP kung bakit may armas ang mga tanod at kung may kaukulang papeles ang mga ito.

Kinumpirma naman ni Albayalde na ang mga pulis na rumisponde sa insidente ay nagpaputok din ng kanilang mga armas.

Pahayag pa ng heneral kapag napatunayan na may paglabag at pagkakamali ang mga pulis ay mananagot ang mga ito at mahaharap sa kasong administratibo.