Ligtas at natagpuan na lahat ang 11 Filipino seafarers na unang naiulat na nawawala matapos ang naganap na malakas na pagsabog sa Beirut, Lebanon.
Sa unang statement ng Philippine Embassy sa Beirut, nagtamo lamang ng mga minor injuries ang 10 seafarers at kasalukuyang nasa pangangalaga na ang mga ito ng kanilang shipping company na Abu Merhi Cruises.
Dagdag pa ng embahada, patuloy nilang tinitingnan ang kalagayan ng mga seafarers at ibang mga Filipinos na naunang itinakbo sa pagamutan matapos ang pagsabog.
Ang barko kasi ng mga tripulante ay nakahimpil sa pantalan kung saan malapit lamang ang warehouse kung saan doon sumabog ang mga nakaimbak na mga pampasabog.
Bukod naman sa mga seafarers ay iniulat din ng Department of Foreign Affaris (DFA) na mayroong isang household service worker ang nawawala habang dalawa naman ang nasawi sa insidente.
Umaabot din sa kabuuang walong Filipino ang nasagutan sa insidente kung saan pito ang nagtamo ng minor injuries at isa ang nasa kritikal na kondisyon.