-- Advertisements --
PIOKS 4

LEGAZPI CITY – Nagpositibo sa isinagawang antigen test ng Provincial Health Office (PHO) ng Masbate ang 10 sa nasa 203 pasahero patungong island province na una nang naiulat na stranded sa pantalan ng Pioduran, Albay.

Mula pa Agosto 20 nang mag-umpisang dumami ang mga hindi agad nakatawid dahil sa direktiba ni Gov. Antonio Kho na dapat fully vaccinated ang indibidwal 15 araw bago bumiyahe.

Kinumpirma mismo ni Pioduran MDRRMO head Noel Ordoña sa Bombo Radyo Legazpi na pinakabata sa mga nagpositibo ay isang taong gulang na sanggol.

Dakong alas-3:40 kaninang madaling-araw nang payagan nang makauwi ang mga ito kung saan huling pinabiyahe at inihiwalay ang mga nagpositibo.

Samantala, nagdesisyon na rin si Ordoña na mag-self quarantine lalo pa’t siya umano ang pinaka-exposed sa mga na-stranded.

Aminado itong personal pang nakausap ang ilan sa mga nagpositibo.

Pagtitiyak naman ng opisyal na tuloy pa rin ang serbisyo ng kaniyang mga staff sa pantalan para sa maayos na daloy ng biyahe at bilang pag-iingat na rin laban sa COVID-19.