-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nasa 10 ang sugatan sa panibagong bakbakan sa pagitan ng militar at rebeldeng New People’s Army sa bukiring bahagi ng Sitio Kalabugaw, Impasug-ong, Bukidnon nitong Huwebes.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni 403rd Infantry Brigade commanding officer Col. Edgardo de Leon
na nagpapatrolya ang kanilang mga tropa nang makasalubong nito ang hindi malamang bilang ng mga rebelde.

Tumagal ng mahigit isang oras ang engkuwentro na naging sanhi ng pagkasugat ng pitong sundalo at tatlong miyembro ng NPA.

Ayon kay de Leon, naipit sa bakbakan ang mga banyaga mula Indonesia at Myanmar na tumutulong sa mga katutubong lumad sa nasabing lugar.

Ngunit wala namang nasaktan sa mga ito matapos silang masagip ng mga sundalo at dinala sa ligtas na lugar.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang hot pursuit operations ng militar sa tumakas na mga rebelde.

Nauna rito, inatake rin ng makaliwang grupo ang isang Palm Oil Plantation sa Brgy Sto. Niño, Manolo Fortich, Bukidnon kung saan kanilang sinunog ang anim na mga pribadong sasakyan noong Miyerkules ng gabi.