-- Advertisements --
Benguet Vehicular Accident
Photo © BENECO

BAGUIO CITY – Nagpapagaling na ngayon sa pagamutan ang 10 katao na nasugatan matapos matumba ang sinasakyan nilang pampasaherong bus sa Caliking, Atok, Benguet kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Ruben Labutan, hepe ng Atok PNP, sinabi niya na papunta sana sa Bontoc, Mountain Province ang bus nang posibleng nawalan ng kontrol sa preno ang driver na nagresulta sa pagbunggo ng bus sa isang poste ng kuryente bago natumba.

Napag-alaman na 43 ang mga pasaherong sakay ng nasabing bus kung saan agad dinala sa pagamutan ang mga pasaherong nasugatan.

Nagresulta ang aksidente ng mabigat na trapiko sa bahagi ng kalsada patungong Mountain Province.

Nawalan din ng suplay ng kuryente ang 29 na mga barangay sa mga bayan ng Tublay, Kapangan, Atok at Kibungan sa Benguet dahil sa aksidente.

Sa ngayon, ipagpapatuloy ng pulisya ang imbestigasyon nila sa nasabing insidente.

Samantala, nagpapagaling din sa pagamutan ang driver ng isang elf truck matapos mahulog ang nasabing sasakyan sa isang bangin sa Bayabas, Sablan, Benguet kahapon.

Ayon sa Sablan PNP, bumibiahe ang sasakyan sa pataas na kalsada kung saan hindi natantiya ng company driver na si June Ford Dagol ang sharp curve doon na nagresulta para mawalan ng kontrol si Dagol sa truck hanggang sa mahulog ito sa bangin na may taas na higit 15 metro.

Nailigtas ang biktima sa pamamagitan ng mga nagrespondeng mga pulis at mga bombero.