-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ligtas na ang kalagayan ng 10 sundalo na unang sugatan nang naka-engkuwentro ang nasa 20 na miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Busdi, Malaybalay City, Bukidnon.

Ito ay matapos nabigyan agad ng medikasyon ang mga sugat ng mga sundalo nang mailipad sakay ng army choppers papunta sa Camp Evangelista Station Hospital ng 4th Infantry Division,Philippine Army ng Cagayan de Oro City.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni 403rd Infantry Brigade commander Lt Col Ferdinand Barandon na nagsagawa ng combat operation ang tropa ng 65th IB nang nakasalubong ang mga rebelde kaya nagresulta ng ilang minuto na engkuwentro.

Naniniwala si Barandon na marami rin ang sugatan sa panig ng mga rebelde dahil sa dami ng mga pasa ng dugo sa encounter site.

Dagdag ng opisyal na dahil sa tapang at labis na pagmamahal sa bayan ng mga sundalong sugatan ay binigyan sila ni 4th ID commander Maj Gen Franco Nemesio Gacal ng Wounded Personnel Medal habang naka-confine pa sa military hospital ng lungsod.

Kabilang sa mga pinupurihan ng AFP dahil sa katapangan na labanan ang mga rebelde ay sina si 1Lt Jobert Acut, Cpl Crisanto Acar, Cpl Joselito Arsenas, Cpl James Ylanan ng 65th Infantry Battalion; Staff Sergeant Aristio Ampoloquio, Cpl Nieljohn Arandela, PFCs Richard Tagunan, Jambie Patilan at Virgel Batle.