CAGAYAN DE ORO CITY – Sinampahan ng kasong paglabag ng Dangerous Drugs Act of 2002 ang 10 suspected drug pushers-users sa piskalya ng Cagayan de Oro City.
Kaugnay ito nang pinag-isang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency 10 at Cagayan de Oro City Police Office operatives na nag-resulta pagkahuli ng suspected drug leader na si Subbahani Bayani na umano’y nagsilbing shabu distributor sa Barangay 17 ng syudad.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni PDEA 10 regional director Atty. Benjamin Gaspi na maliban kay Bayani naaresto rin ang siyam na iba pa na aktong gumagamit ng suspected shabu sa loob ng drug den sa lugar.
Sinabi ni Gaspi na gamit ang pagpapatupad ng search warrants ay napasok rin ang tatlong bahay kung saan aktong nadatnan ang mga arestadong personalidad.
Umabot lahat ng 35 gramo na suspected shabu ang nasamsam na mayroong estimated market value na higit P200,000.
Magugunitang mismo na rin ang punong barangay na si Anthony Artivery ang dumulog sa PDEA dahil kitang-kita ng installed CCTV cameras kung sino ang labas-masok na mga tao sa kanilang lugar.