-- Advertisements --

ROXAS CITY – Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad sa Bangkok ang mahigit sa 10 suspeks na nasa likod umano ng magkasunod na pagpapasabog ng bomba sa kabisera ng Thailand noong nakaraang linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Bombo international correspondent Cleo Rose Jondonero, sinabi nito na nagpatawag si Thai Prime Minister Prayuth Chan-Ocha ng isang press conference at kanyang kinumpirma na nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa motibo ng magkasunod na pagpapasabog sa iba’t ibang bahagi ng Bangkok noong Biyernes.

Ayon sa Prime Minister sa ngayon ay hindi pa matukoy ng mga otoridad ang nasa likod ng kremin ngunit lumalabas sa inisyal na resulta ng imbestigasyon na mahigit 10 katao ang nasa likod nito.

Matatandaang anim na bomba ang sumabog sa Bangkok noong Biyernes kasabay ng pag-host ng bansa sa Southeast Asian foreign ministers meeting na dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng Amerika, Tsina at ng ibang makapangyarihang bansa.