BAGUIO CITY – Nagsimula na ang proyektong Gulay Para sa Albay ng isang online support market para sa mga lokal na produkto ng mga magsasaka mula sa bayan ng Sagada sa Mountain Province.
Ayon sa grupo, nakapagpadala na sila ng tatlong tonelada ng iba’t ibang gulay sa Tiwi, Albay.
Donasyon ito ng mga magsasaka sa Sagada, habang ang iba ay binili sa mga magsasaka sa Sagada at sa Atok, Benguet.
Puntirya nilang makapagpadala pa ng hanggang 10 tonelada ng mga gulay sa nasabing lugar hanggang sa susunod na buwan.
Ipapasakamay ang mga gulay at iba pang donasyong pagkain sa volunteer group na Art Relief Mobile Kitchen at ang mga ito ang magluluto sa mga gulay para sa mga benipisaryong residente.
Umaabot sa 6,000 katao mula sa tatlong barangay ng Tiwi ang kanilang benipisaryo sa proyekto.
Napag-alamang walang signal at kuryente sa nabanggit na bayan habang karamihan sa mga tahanan ay tinatangay ng hangin kaya nakatira na lamang ang mga residente sa mga makeshift lodgings o kaya ay lumikas sa ibang lugar.