-- Advertisements --
VIETNAMESE FISHING VESSEL in Cagayan

CAUAYAN CITY – Nakatakdang palayain ang 10 mangingisdang Vietnamese na naaresto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) dahil sa pangingisda sa karagatang sakop ng Calayan Group of Islands sa Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Max Prudencio, Information Officer ng BFAR-Region 2, na nagbayad ang mga mangingisdang Vietnamese ng P650,000 bilang administrative penalty sa kasong poaching.

Bukod pa ito sa pagpayag na ipapangalan na sa BFAR ang ginamit nilang dalawang Vietnamese fishing vessel na nagkakahalaga ng halos P8 million.

Batay sa pag-aaral ng Adjudication Committee ng BFAR, panalo ang pamahalaan sa ibinayad ng mga Vietnamese na pera at dalawang fishing vessel sa kanilang paglabag sa Republic Act 10654 o The Philippine Fisheries Code of 1998.

Ayon kay Ginoong Prudencio, matapos na mahuli ang mga Vietnamese ay nag-alok sila ng multa bilang pag-amin sa kanilang iligal na ginawa.

Matapos na magbayad ang mga banyagang mangingisda ay nakikipag-ugnayan na ang BFAR-Region 2 sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang makauwi na sila sa Vietnam.

Unang namataan ang mga Vietnamese na iligal na nangingisda habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng BFAR at Philippine Coast Guard (PCG) noong madaling araw ng June 1, 2019 sa Dalupiri Island sa Calayan group of Islands.

Pinatay nila ang ilaw ng kanilang mga bangkang pangisda at pinutol pa ang naka-deploy na fishing gear sa tangkang pagtakas, ngunit nahabol sila ng mga tauhan ng BFAR at PCG.

Nakumpiska sa mga Vietnamese ang mga isdang yellowfin tuna, shark, blue marlin at dorado na may halagang P80,000.