(Update) CAUAYAN CITY – Ipapasakamay na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Aparri, Cagayan ang 10 Vietnamese nationals na nahuling iligal na nangingisda sa Calayan Island sa lalawigan ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Max Prudencio, tagapagsalita ng BFAR-Region 2, sinabi niya na matapos ang arraignment ng mga Vietnamese ay ipasasakamay na sa BJMP habang ang kanilang dalawang fishing vessel ay babantayan ng mga fishery enforcer ng BFAR.
Aniya, ang mga nahuli nilang isda ay ipamimigay sa mga charitable institution dahil masisira lamang ang mga ito kung mananatili sa kanilang fishing vessel.
Una rito dalawang fishing vessels na may lulan na 10 na Vietnamese ay nahuli noong June 1, 2019 ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard at fishery enforcer ng BFAR at nakuha sa kanilang pag-iingat ang iba’t ibang uri ng ipinagbabawal na isda.
Tinangka ng mga dayuhan na tumakas ngunit nahuli sila ng mga kasapi ng PCG at BFAR.
Ang mga Vietnamese ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10654 o Fisheries Code of the Philippines