CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Region 2 na wala pang nakikipag-ugnayan sa kanila para tulungan ang 10 Vietnamese national na nahuling nangingisda sa Calayan Island sa Cagayan.
Ito’y matapos na ipasakamay sa Bureau of Jail Management and Penology sa bayan ng Aparri ang mga Vietnamese matapos masampahan sila ng kasong paglabag sa Fisheries Code of the Philippines dahil sa iligal na pangingisda.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Max Prudencio, tagapagsalita ng BFAR-Region 2, sinabi niya na kapag sobrang tagal na at wala pa ring tumutulong sa 10 Vietnamese ay makikipag-ugnayan sila sa Bureau of Immigration at Department of Foreign Affairs para sila ang makipag-ugnayan sa embahada ng Vietnam.
Kung maaalala,ang dalawang fishing vessel na lulan ang 10 Vietnamese ay naaresto ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard at fishery enforcer ng BFAR.
Nakuha sa kanilang mga bangkang pangisda ang iba’t-ibang uri ng mga ipinagbabawal na isda.