Kasalukuyang nakakaranas ngayon ng manpower shortage ang pinakamalaking coronavirus disease (COVID-19) referral center sa bansa, ang Philippine General Hospital (PGH).
Ito ay matapos nag-resign ang 10 nilang volunteer doctors.
Inamin ni PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario na malaking kawalan sa kanila ang pag-resign ng mga ito lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Dagdag pa ni Del Rosario na ang 10 mga doktor na sumasahod ng P50,000 kada buwan ay mula sa Department of Health (DOH).
Aniya maaaring napagod ang iba at ang iba naman ay nagkasakit dahil masyadong maraming trabaho sa PGH na naging dahilan ng kanilang pag-resign.
Upang maagapan ang kakulangan ng tauhan, sinabi ni Del Rosario na humihiling sila sa mga health workers mula sa ibang mga kagawaran na tumulong sa paggamot sa mga pasyente ng COVID-19, subalit hindi pa rin ito sapat.