-- Advertisements --


ROXAS CITY – Umaabot sa 80 hanggang 100 billion baht ang mawawala sa turismo sa Thailand matapos pansamantalang ipinatigil ng gobyerno ang biyahe ng mga turista mula China patungong Thailand.

Sa report ni Bombo International Correspondent Cleo Rose Jondonero, isang guro sa Thailand, sinabi nitong ito ang napagpasyahan ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng Wuhan Corona Virus, matapos tumaas na sa walo ang mga nahawa ng nasabing sakit at kasalukuyang isinailalim sa quarantine.

Mahigpit rin ang seguridad at monitoring na ipinatutupad sa mga paliparan sa nasabing bansa, kung saan nagsasagawa ng manual checking sa mga pasahero at pinabubuksan ang kanilang bibig at tinitingnan ang kanilang temperatura.

Inabisuhan rin ng Ministry of Public Health ang mga hotels na maging mapagmatyag sa mga nagche-check in na mga guest lalo na kung galing ang mga ito sa Wuhan, China, kung saan nagsimula ang NCOV.