Inaasahang aabot sa 100 mga bangka ang makikilahok sa ikakasang ikalawang civilian mission sa West Philippine Sea sa darating na Mayo 15, 2024.
Sa ulat, kabilang sa makikilahok sa naturang misyon ay dalawang main civilian boats na e-eskortan naman ng 100 fishing vessels.
Ang paglalayag ng mga ito ay magsisimula mula sa bahagi ng Zambales patungo sa West Philippine Sea na naglalayon naman na makapag-deliver ng mga supply tulad ng krudo para sa mga Pilipinong mga mangingisda sa naturang lugar.
Ayon kay Atin Ito co-convenor at Akbayan presidente Rafaela David, ang pangunahing layunin ng misyon na ito ay ang makapagsagawa ng “peace and solidarity regatta” sa loob ng Exclusive Economic Zone ng ating bansa kasabay na rin ng paglalagay ng mga symbolic markers o buoys na may nakalagay na “WPS, Atin Ito!” para sa mas pagpapalakas pa sa territorial integrity ng ating bansa.
Sa kabilang banda naman ay sinabi rin ni Atin Ito co-convenor at Philippine Rural Reconstruction Movement president Edicio Dela Torres na layon din ng naturang aktibidad na ipaabot ang kanilang mensahe na atin ang WPS at hindi ito ipinamimigay.
Samantala, bukod sa ating mga kababayan ay sinabi rin ng naturang samahan na bukas din para sa mga international observers ang civilian mission kung saan maaari din silang makapag-document sa kasalukuyang sitwasyon sa WPS, at personal din na masaksihan ang mga pagsubok na araw-araw na kinakaharap ng mga Pilipinong mangingisda at frontliners.