-- Advertisements --

Nagawa na ng pamahalaan na mailikas ang 100% ng mga residenteng nakatira sa loob ng anim na kilometrong Expanded Danger Zone (PDZ) ng bulkang Kanlaon.

Ang mga ito ay mula sa dalawang syudad at isang bayan sa Negros Occidental na direktang naaaopektuhan sa walang-tigil na aktibidad ng aktibong bulkan.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), pansamantalang nananatili ang mga ito sa mga binuksang evacuation center.

Bago ganap na mailikas ang 100% ng mga residenteng nahaharap sa banta ng bulkan, ilang mga indigenouse people na nakatira sa danger zone ang tumanging mailikas.

Gayunpaman, kinalaunan ay pumayag na rin silang iwan ang kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng tulong ng National Commission on Indigenous Peoples.

Ang paglikas sa mga residenteng pinangangambahang maapektuhan ay sa pangunguna ng Task Force Kanlaon na bumuo ng komprehensibong evacuation strategy para mabilis na mailikas ang mga residente at madala ang mga ito sa ligtas na lugar, tulad ng mga evacuation center.

Patuloy namang binabantayan ng OCD ang kalagayan ng mga evacuees, kasama na ang paglalaan ng sapat na supplies na kanilang magagamit habang pansamantalang naninirahan sa mga evacuation center.