Iniutos ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa Disaster Response Management Group na pabilisin na ang pagdagdag sa mga stockpile ng food pack, partikular sa mga lalawigan ng Negros Oriental at Negros Occidental sa Visayas Region.
Kinumpirma ni Gatchalian na inaasahang darating ang mga karagdagang food packs ngayong linggo, at plano nitong magpadala ng 40,000 na kahon ng food packs sa bawat lalawigan ng Negros Oriental at Negros Occidental sa Lunes, Enero 13.
Layunin ng DSWD na mag-preposition ng kabuuang 100,000 kahon ng mga family food packs (FFPs) upang matiyak na may sapat na suplay ang mga komunidad sa oras ng pagputok ng bulkan.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng mga babala mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), na noong Enero 11 ay nag-ulat ng pagbuga ng Sulfur dioxide ng Bulkang Kanlaon, na posibleng magpahiwatig ng isang eruption na katulad ng mga nangyari noong nakaraang taon ng buwan ng Hunyo at Disyembre.
Samantala, itinaas ng Phivolcs ang alert Level 3 sa Mt. Kanlaon dahil parin sa nararanasang ‘magmatic unrest’ at panganib ng biglaang pagsabog nito, pag-agos ng lava, at iba pang mga panganib tulad ng ashfall at pagdaloy ng lahar, lalo na sa malalakas na ulan.