-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Humigit-kumulang 100, 000 benepisyaryo sa Bicol ang posibleng mapabilang sa aalisin na sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Kaugnay ito ng iniulat ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa cabinet meeting sa Malakanyang na tinatayang 1.3 milyong benepisyaryo ng 4Ps sa bansa ang hindi na maituturing na mahirap.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Pantawid Regional Program Coordinator Priscilla Saladaga, Bicol ang nangunguna sa mga rehiyon sa bansa sa pinakamaraming 4Ps beneficiaries na higit 390, 000 na.

Regular nang ginagawa ang delisting upang mabakante ang slot na ibibigay sa iba pang “deserving” at nakabatay sa isinasagawang evaluation at assessment ng Listahanan sa kada tatlong taon.

Mula taong 2018, nasa 67, 000 na rin umano ang inalis at pinalitang benepisyaryo dahil sa pag-waive sa ayuda, “graduate” na dahil sa umaayos na estado ng buhay at wala nang zero hanggang 18-year old sa pamilya.

May ilan namang inalis bunga ng grievance-driven report kagaya ng reklamo sa misbehaviour na isinasangla ang cash cards at ipinangsusugal o ipinangbibili ng alak ang ayuda.