-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Pinangangambahang aabot umano sa 100,000 Pilipino sa buong mundo ang mawawalan ng trabaho dahil sa Coronavirus Disease (COVID)-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Allan Tanjusay, spokesperson ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), sinabi nito na sa una nilang pagtaya ay nasa 7,000 lang ang mga Pilipinong mawawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

Ngunit ayon sa impomasyon na nakuha nila sa National Economic and Development Authority, pumapalo ito sa 30,000 hanggang 90,000.

Ayon kay Tanjusay, dahil sa paghina ng negosyo sa gitna ng Coronavirus ay maraming kompanya ang magbabawas ng kanilang manpower lalo na ang mga “non-essential workers.”

Dahil din aniya sa travel restrictions ay maraming Pinoy ang hindi makakabalik sa kani-kanilang trabaho sa labas ng bansa.

May impormasyon din ito na walang kasalukuyang “order” para sa mga mangagawang Pinoy sa mga cruise ships.

Ito ang rason kung bakit nananawagan ang ALU-TUCP sa Department of Labor and Employment na ipatawag ang business sector at magkaroon ng social dialogue upang diskusyunan ang mga posibleng gawin sa kinakaharap na problema.