-- Advertisements --

CEBU CITY – Buo ang paniniwala ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na may korupsyon na nangyayari sa loob ng Bureau of Correction (BuCor).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sotto, sinabi nito na inaabuso na ng taga-BuCor ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) at halimbawa na rito ang pagpapalaya sa mga kriminal na gumawa ng karumal-dumal na krimen na labag sa nasabing batas.

Ayon sa pangulo ng Senado, malala na ang nangyayari sa nasabing ahensya kaya dapat lang itong imbestigahan at managot ang dapat managot.

Aniya, dapat ay may hiwalay na criminal institution na kalalagyan ang mga kriminal na gumawa ng karumal-dumal na krimen.

Biro pa ng senador, ilalagay ang naturang institusyon sa West Philippine Sea upang kapag binomba ito ng China ay unang matatamaan ang mga kriminal.

Inihayag ni Sotto na gagawin nila ang lahat para masolusyonan ang pagbawi ng desisyon ng BuCor na nagpapalaya ng mga convicted criminals na gumawa ng “heinous crimes.”