-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kumpiyansa ang Malay Tourism Office na lalo pang tataas ang tourist arrivals sa Isla ng Boracay sa katapusan ng Nobyembre sa harap ng pag-asang mabakunahan na ang 100 porsiyento ng mga residente at tourism workers laban sa Covid 19.

Ayon kay Felix delos Santos, chief tourism operations officer na umaabot na sa 92.2% ng tourism workers ang nabakunahan sa isla, habang 94.59% sa eligible population.

Nauna dito, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Aklan ang posibilidad na alisin na ang negatibong RT-PCR test requirement para sa fully vaccinated tourists mula sa labas ng Isla ng Panay at Guimaras basta makapakita ng kanilang vaccination certificate.

Naghahanda na rin umano ang pamahalaan at Department of Tourism sa pagtanggap ng mga dayuhang turista.

Sa kasalukuyan ay umabot na sa 292 ang mga accommodation establishments na nagbukas sa Boracay na may Certificate of Authority to Operate (CAO) mula sa Department of Tourism (DoT).