Tiniyak ng AboitizPower na minamadali na ang pagsasaayos sa linya ng kuryente sa ilang mga nasasakupang lalawigan nito na lubhang sinalanta ng Bagyong Odette.
Ayon kay AboitizPower Vice President for Reputation Management Suiee Suarez, kahapon ay nasa 98,000 residente o katumbas ng 31% na kabuuang bilang nito ang nakaranas na ng pagbabalik ng kuryente.
Habang sa darating na Enero 10, 2022 naman ay inaasahan na makakaranas na rin ng pagbabalik ng kuryente ang 80% pa sa kanilang mga kustomer.
Target aniya ng kompanya na 100% nang makompleto ang restoration at rehabilitation ng kuryente sa mga apektadong lugar bago magtapos ang Enero 2022.
Paliwanag ni Suarez, isa sa kinakaharap na problema ng kompanya ay ang ang napakahabang linya ng kuryente mula Apari hanggang General Santos City, pabalik sa Apari hanggang General Santos City at pabalik uli sa Apari.
Aniya, tinatayang 560 na mga poste ng kuryente ang napinsala sa pananalasa ng Bagyong Odette.
Ngunit ibinida rin ni Suarez na sa ngayon ay mayroon nang naka-deploy na nasa 308 na linemen sa mga apektadong lugar na tumutulong sa pagkukumpuni at pagbabalik ng mga kuryente rito.
Habang nasa 182 na iba pang linemen mula sa iba’t ibang mga distribution utilities sa buong bansa ang nakiisa na rin sa pagtulong sa rehabilitasyon ng mga kuryente.
Samantala, ang Bagyong Odette ay isa sa pinakamapaminsalang kalamidad na kanilang naranasan sa nakalipas na tatlong dekada.
Ang AboitizPower ay isang power distribution utility na nagbibigay serbisyo sa ilang bahagi ng Visayas region tulad ng Cebu, Mandaue, Talisay, Naga at iba pa.