NAGA CITY – Inaasahan na 100% na ng populasyon sa Naga City ang mababakunahan laban sa COVID-19 bago matapos ang taon.
Ito ay dahil na rin sa magandang daloy ng vaccination rollout sa lungsod.
Sa naging pahayag ni Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nito na isa ang nasabing lugar sa may pinakamataas na vaccination performance sa mga lungsod sa Bicol Region.
Sa ngayon kasi, umabot na sa 86% ng populasyon sa lungsod ang nakatanggap na ng bakuna.
Dagdag pa ng alkalde, batay sa datos simula noong Disyembre 8, mayroon na lamang 16 na aktibong kaso ng nakakamatay na sakit sa lungsod .
Kung saan, sa 27 barangay sa Naga City, anim na lamang dito ang mayroong aktibong kaso ng COVID-19.
Sa ngayon, inaasahan ng lokal na gobyerno ng nasabing lungsod na madadagdagan pa ang mababakunahan sa lugar sa gagawing phase 2 ng National Vaccination Days sa darating na Disyembre 15-17.