-- Advertisements --

Ibinunyag ng Republic of Korea Military Police na nasa 100 sundalo ng North Korea ang napatay sa labanan sa Ukraine-Russia war simula ng sumama ang mga ito sa panig ng Russia sa unang bahagi ng Disyembre.

Ito ay base sa impormasyon na ipinarating ng National Intelligence Service sa parliament kung saan nasa 1,000 iba pang North Koreans ang nasugatan sa giyera.

Ayon sa Military Police officer na si Lee Sung-kwon, kabilang sa mga nasawi ay high-ranking officials at maaaring hindi pamilyar ang mga ito sa terrain at drone warfare.

Nauna naman ng sinabi ng tagapagsalita ng US Pentagon noong Lunes na napatay ang mga sundalong North Koreans nang hindi nagbibigay ng eksaktong bilang at makalipas ang isang araw, kinumpirma ng isang US official na may ilang daang North Koreans ang napatay o nasugatan sa digmaan. Pinaniniwalaang namatay ang mga ito sa Kursk region ng Russia kung saan nakubkob ng Ukraine ang isang maliit na teritoryo doon matapos ang kanilang sorpresang pagsalakay noong Agosto.

Matatandaan na nauna ng napaulat noong Oktubre ng kasalukuyang taon na nagpadala ang NoKor ng 10,000 tropa nito para tulungan ang Russia sa giyera nito sa Ukraine.