CAUAYAN CITY – Lumikas ang halos 100 Pinoy sa malaking bomb shelter sa Tel Aviv, Israel matapos na isailalim sa red alert status ang naturang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ador Tucay, isang OFW, na naka-red alert status ngayon ang Tel Aviv dahil sa mga impormasyon na pupuntiryahin ulit ito ng Hamas.
Dahil dito, dinagdagan na ang Iron Dome sa Tel Aviv dahil sa banta na papaulanan ng 500 missile ang capital city ng Israel.
Binuksan na rin ang mga shelter pangunahin na ang tinatawag nilang Central Bus Station.
Lumipat na aniya rito ang mga walang shelter kasama na ang mga Pilipino na walang shelter ang bahay.
Batay sa kanyang pakikipag-usap sa mga kapwa niya Pilipino sa lugar, nasa halos 100 Pilipino ang lumipat sa naturang bus station.
Karamihan sa kanila ay ang mga may-anak na nagtratrabaho bilang cleaner o naglilinis ng bahay at tinatawag ding leave out habang mayroon ding mga caregiver.
Ayon kay Tucay, mas seryoso ang banta ngayon dahil napatay umano ang isang senior hamas official kaya gusto nilang maghiganti.
Dahil dito, hindi na sila nakakatulog dahil ang iba ay may phobia na lalo na ang mga nasa boarder.
Sa kabila naman nito ay wala pang gustong umuwi sa mga nakakausap niyang mga Pilipino.