Karamihan daw sa 100 public schools na kasama sa pilot implementation ng face-to-face classes ay handa na para sa muling pagbubukas ng klase sa Nobyembre 15.
Sa isang press briefing sinabi ni Department of Education (DepEd) Director Malcolm Garma, sa ngayon ay nasa 90 percent na ang paghahanda ng mga paaralan para sa limited face-to-face classes.
Sa 100 public schools ay ilan na lamang ang tinatapos ang paglalagay ng mga plastic barriers, signages at ilang mga kagamitan na magagamit sa pagtuturo ng mga guro.
Ilan naman sa mga ito ang umatras dahil hindi raw pumayag ang mga local government units (LGUs) at hindi rin ito aprubado ng Department of Health (DoH).
Pero agad naman itong napalitan ng mga paaralan sa Albay, Zamboanga del Sur at Davao de Oro.
Base sa listahan ng mga paaralang sasali sa face-to-face classes 10 rito ang matatagpuan sa Ilocos, 10 sa Central Luzon, lima sa Calabarzon, siyam sa Bicol Region, tatlo sa Western Visayas, walo sa Central Visayas at 10 sa Eastern Visayas.
Kasama pa rito ang walong paaralan sa Zamboanga, 10 sa Northern Mindanao, walo sa Davao, lima sa Soccsksargen at 14 naman sa Caraga.
Maliban sa 100 private schools, kasama rin sa limitadong pagbubukas ng klase ang 20 20 private schools para sa mga Kindergarten hanggang Grade 3 students.
Sakaling magkaroon ng magandang resulta ang isasagawang pilot testing ay asahan na raw ang pagbubukas pa ng karagdagang paaralan na lalahok sa limited face-to-face classes.