-- Advertisements --

Hindi pa umano matiyak sa ngayon ng Department of Education (DepEd) ang 100% quality education sa bansa kasabay ng ipatutupad na bagong pamamaraan ng pagtuturo sa mga paaralan sa gitna ng coronavirus pandemic.

Ipapatupad na kasi sa school year 2020-2021 ang tinatawag na distance learning kung saan hindi na kinakailangan pang magtungo sa eskwelahan ng mga estudyante at gagamitin na lamang ang makabagong teknolohiya para mag-aral.

Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, ang masisiguro lamang daw niya ang 100% effort upang maipatupad ang makabagong learning strategy ng DepEd sa buong bansa.

“Hindi ko masabi na 100% guaranteed. We are doing all we can, trying to cover all bases and identify all challenge,” wika ni Briones sa isang virtual press briefing.

Habang umiiral din aniya ang banta ng coronavirus sa bansa, ang kaligtasan pa rin ng mga mag aaral at mga guro ang tanging pangunahing layunin ng kagawaran.

Pero iginiit ng kalihim na kailangan pa ring ipagpatuloy ang pag-aaral at pagbibigay-kaalaman sa mga bata sa kabila ng banta ng COVID-19.

Inihayag muli ni Briones na sa pagbubukas ng school year 2020-2021, ang tagumpay ng pag-aaral ng isang bata ay bunga ng shared efforts ng pamilya, guro, at komunidad.