-- Advertisements --
JEEPD

Isinumite na raw ng Department of Transportation (DoTr) sa Inter Agency Task Force (IATF) ang kanilang apelang payagan ang 100 percent passenger capacity sa public utility vehicles (PUVs) sa Metro Manila kahit nasa kalagitnaan pa rin ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ang bansa.

Ayon kay DoTr Assistant Secretary Mark Steven Pastor, ito ay dahil na rin sa sunod-sunod na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Aniya, ayaw daw nilang tumaas ang pamasahe dahil para sa kanila, wala raw kinalaman ang mga commuters sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Kaya naman ayaw daw nilang ang mga commuters ang pumasan sa linggo-linggong oil price hike.

Dahil dito, noong Biyernes ay nagsumite raw ang mga ito sa IATF ng kanilang formal position paper na dagdagan ang sitting capacity sa mga PUVs mula sa 50 percent sa 100 percent.

Pero ito ay base naman daw sa tinatawag na medical literature na available sa ngayon lalo na’t niluwagan na ang alert level sa National Capital Region (NCR).

Nakahanda naman daw nilang dipensahan ang kanilang posisyon sa Huwebes dahil ikinokonsidera rin umano nila hindi lang ang isyu sa public transportation kundi pati na rin ang isyu sa public health.