CENTRAL MINDANAO – Tuloy-tuloy ang mga programa ng city government ng Kidapawan at ng mga partner agencies para sa mga solo parents na naninirahan sa lungsod.
Isinagawa sa City Convention Center ang aktibidad para sa 100 na mga solo parents mula sa Barangay Poblacion, Kidapawan City.
Ito ang Social Preparation, Capability Building, and Formulation of Association among Solo Parents sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development Office (DWSD).
Ayon kay City Social Welfare and Development Office (CSWD) officer Daisy Gaviola, layon ng aktibidad na maging handa ang mga solo parents sa proyektong ipagkakaloob sa kanila ng pamahalaan at maging kapaki-pakinabang ito sa kanilang hanay.
Sinabi ni Gaviola na kailangang maging sapat ang kakayahan ng mga solo parents na patakbuhin at palaguin ang matatanggap nilang benepisyo tulad ng business starter kits (barbecue, siomai, rice retailing) at iba pang pakinabang.
Magkatuwang naman ang CSWD at Department of Trade and Industry (DTI) sa orientation ng solo parents sa SLP at sa pagbibigay ng ayuda.
Samantala, dumalo din sa naturang aktibidad si Michael Joseph Salera, DSWD 12 Project Development Officer II at Jenny Lynne Langoyan, CSWD Focal Person on Solo Parents.
Nagbigay sila ng karagdagang impormasyon kaugnay ng SLP at ipinaliwanag na ito ay naglalayong tulungan ang mga mahihirap o poor and vulnerable families, low-income workers at iba pang mahihirap na sektor sa pamamagitan ng government intervention and programs.
Matatandaan na nito lamang June 2, 2022 ay namahagi ng business starter kits at iba pang supply ang DTI para sa identified beneficiaries (74 youth affected by man-made and natural calamities) mula sa mga barangay ng Gayola, Katipunan, Linangkob, San Roque, San Isidro, at Malinan.
Samantala, matapos naman ang orientation sa solo parents ay itatakda naman ang pamamahagi ng aktuwal na ayuda para sa kanila sa lalong madaling panahon.