Aabot sa mahigit 400 tons o katumbas ng mahigit 100 truckloads ng basura ang nakolekta matapos ang matagumpay na pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno sa lungsod ng Maynila.
Mula ito sa mga lugar na dinaanan ng mga milyong-milyong deboto na lumahok sa Traslacion ngayong taon.
Ayon sa pamunuan ng Manila LGU, ang naturang bulto ng basura ay nakolekta mula Enero 6 hanggang 10.
Mas mababa naman ito kumpara sa dami ng basura na nahakot mula noong Traslacion noong nakaraang taon na umabot sa 158 truckloads o 468 metric tons.
Kabilang sa mga ruta ng Traslacion kung saan nakuha ang bulto ng mga basura ay sa bahagi ng Plaza del Carmen malapit sa Sebastian Church.
Karamihan sa mga ito ay mga food containers, plastic bottles at mga plastic na uri ng basura.
Plano naman ng pamunuan ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church na maglagay ng mas maraming portalets sa Traslacion sa susunod na taon.