Nagbigay ng patikim ang award-winning director na si Direk Jason Paul Laxamana sa sequel ng kanyang 2017 blockbuster film na “100 Tula Para Kay Stella” na ngayon ay naka on-hold ang produksiyon dahil pa rin sa pandemya.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Direk Jason, ibinahagi nito na dahil sa krisis sa COVID-19 ay iniurong na nila ang taping ng proyektong pinagbibidahan nina Bela Padilla at JC Santos sa susunod na taon.
“Malamang next year na yan. Hopefully, kung maging maayos na ang sitwasyon by the end of the year, next year na yan.”
Sinabi rin ng award-winning director na wala pang pamagat ang much-anticipated sequel at nagbigay pa ito ng ilang pasilip sa mga dapat abangan ng fans sa pelikula.
“First of all, announce ko lang na hindi yun ang title. Working title pa lang yun. Maraming nagtatanong, anong mangyayari sa kuwento. Ang masasabi ko lang is, [this will take place] years after nung ending ng original na movie. Matutunghayan natin ang buhay ni Fidel at ni Stella, 5 to 10 years after nung last na eksena. Ano na kaya ang nangyari sa buhay nila?”
Samantala, inamin rin nito na ayaw niyang madaliin ang paggawa ng kanyang obra para hindi makompromiso ang kalidad nito.
“Hindi pa ako ready. Sobrang hassle. Andaming adjustments na feeling ko, makakasira sa ganda ng pelikula. Personally, gusto kong maghintay muna. Hindi rin kaya ng konsensya ko na for example, nagkaroon ng shoot, tapos may nagkaroon ng infection, parang ang laking tama sa konsensya ko na nangyari yun sa set ko. Ayoko muna siyang ipilit.”
Nagpasalamat naman ang direktor sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanyang pelikula at nangako ito na magiging ‘satisying’ at ‘worth the wait’ ang kaabang-abang na part 2 ng box-office hit.
“Hindi namin in-expect na puputok ng ganito kalaki yung pelikula. Parang naging iconic siya in a way sa pop culture. Tanungin mo yung high schooler, yung college student, alam na alam nila yung detalye ng pelikula. Gusto kong magpasalamat na tinanggap nila yung pelikula namin ng ganoon. Pagpasensiyahan niyo yung delay ng aming paggawa ng sequel dahil sa sitwasyon, pero ang maipapangako namin, masa-satisfy kayo, mae-entertain kayo, and hopefully, magkaroon ito ng impact sa mga buhay niyo. Hopefully, meron kayong matutunan na pwede niyong i-apply sa buhay niyo.”