LEGAZPI CITY — Nagpapatuloy pa ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) at Konsulada ng Pilipinas sa San Francisco, California kaugnay ng pagbubukas ng Overseas Absentee Voting (OAV) sa mga nasasakupang lugar na may rehistradong Filipino voters.
Sa report ni Bombo International Correspondent Jesse Viscocho ng Alaska sa Bombo Radyo Legazpi, una nang nai-mail sa mga botante ang balota lalo na sa mga nagpahayag na hindi personal na makakaboto sa Kalayaan Hall, Philippine Center Building Lab sa San Francisco, gayundin ang mga taga-Alaska.
Ayon kay Viscocho, magkakaroon naman ng live video streaming ang Comelec na pangungunahan ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon upang ma-accommodate ang mga katanungan simula alas-10:00 ng umaga, oras sa California.
Dagdag pa ni Viscocho na ilang Pilipino ang lumapit sa kaniya para sa mga concerns sa pagboto gaya na lamang ng mahabang bilang ng mga partylists na hindi naman kilala at ang request na isabay na rin sa susunod ang local candidates sa mga hometown provinces.
Dagdag pa umano sa nagpapahirap sa pagpili ang naglipanang “fake news” sa social media.
Sa kabila nito, umaasa pa rin ang konsulada bg 100% turnouts ng boto sa mga rehistradong botante.
Isa ang Konsulada ng Pilipinas sa San Francisco, California sa may pinakamaraming mga rehistradong overseas voters.