KORONADAL CITY – Nakaabang na ngayon sa Brgy. Bololmala, Tupi, South Cotabato ang nasa mahigit 1,000 na mga magsasaka na nagmula pa sa iba’t ibang mga lugar sa Rehiyon 12 upang makipagpulong kay Department of Agriculture Secretary William Dar nitong araw.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Koronadal City Agriculture and Fisheries Council chairman Roy Moreno, sinabi nito na nagkakaisa ngayon ang mga magsasaka sa rehiyon upang ipanawagan na sa halip na alukin sila ng DA ng loan ay idagdag na lamang sa presyo ng bilihan ng palay ang bilyon-bilyong pondo na gagamitin sa pagpapautang sa kanila.
Dagdag pa ni Moreno na kahit panahon na ng anihan sa rehiyon ay kaba sa halip na tuwa ang nadarama ng mga magsasaka dahil alam nilang lugi sila dahil sa mababang presyo ng bilihan ng palay lalo na ang mga hindi pasok sa specification ng National Food Authority na clean and dry palay bago bilhin sa mga magsasaka dahil sa kakulangan sa mga farm equipments.
Kaugnay nito pinahayag naman ni Zaldy Boloron, chief of operations ang Department of Agriculture-12 sa isasagawang farmers forum ngayong hapon kasama si Dar para ipamigay ang nasa mahigit P400 million na halaga ng farm machineries at supplies.