KORONADAL CITY – Ipinatupad ang preemptive evacuation sa mahigit 1,000 pamilya sa tatlong barangays sa bayan ng Bagumbayan, Sultan Kudarat dahil sa malawakang baha na dulot ng nasirang dam.
Ito ang kinumpirma ni Kapitan Merilo Cordero ng Brgy. Daguma, Bagumbayan, Sultan Kudarat sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Barangay Cordero, nasa higit 40 mga bahay ang inanod at sinira ng lampas tao na tubig-baha simula alas-5:30 kahapon ng hapon hanggang alas-10:00 kagabi.
Sa katunayan daw ay ni-rescue din ang karamihan sa mga ito dahil sa mabilis na pagtaas ng lebel ng tubig-baha.
Ang nasabing mga bakwit ay dinala sa barangay gym upang maging ligtas at ‘di malagay sa peligro ang buhay ng mga apektadong residente.
May daan-daang ding mga residente ng hindi nakakabalik sa kanilang tahanan lalo na sa mga nasirang bahay.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang clearing operation sa mga lugar na naapektuhan ng baha.
Ang pagkakasira ng dam ay dulot ng walang humpay na buhos ng ulan sa probinsiya.
Ang nabanggit na lugar ay sinalanta na rin ng pagbaha noong nakaraang mga araw.