Aabot sa 1,000 mga Pinoy ang unang makakatikim ng gamot na naimbento ng Russia na umano’y kauna-unahang coronavirus vaccine na inaprubahan doon.
Ayon kay Dr. Jaime Montoya, executive director ng Department of Science and Technology Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD), sisimulan na sa susunod na buwan ng Setyembre ang pakikibahagi ng Pilipinas sa clinical trial sa Sputnik-5 kung pormal nang napirmahan ang deal o kontrata sa mga manufacturers ng naturang bakuna.
Ginawa ni Dr. Montoya ang kumpirmasyon matapos ang pakikipagpulong sa mga manufacturers at scientists na siyang naka-develop ng vaccine.
Inamin ni Montoya na sa una ay napabilib sila sa ginawang briefing ng Moscow-based Gamaleya Institute kaugnay sa findings mula sa Phase 1 at Phase 2 ng clinical trial.
Ibinahagi ni Dr. Montoya na sa ginanap daw na testing period, nasa 76 katao ang tinurukan ng bakuna sa Russia at wala naman daw nakitaan ng nakakaalarmang side effects.
Ang pagpili naman sa Pilipinas ng 1,000 katao na sasailaim sa test ay dapat malusog at random ang pagpili sa mga lugar na mataas ang kaso ng COVID-19.
Kung sakali, kasabay ng Pilipinas sa Stage 3 trial ay dalawa pang mga bansa liban sa Russia.
Sa pagtaya ni Dr. Montoya kung walang aberya sa trials lalo na sa “efficacy” ng gamot, sa buwan ng Abril 2021 ay ready na para sa mass rollout sa Pilipinas ang COVID vaccine.
Ang Food and Drug Administration (FDA), ang magbibigay ng go signal sa mga otoridad upang simulan na ang clinical trials sa loob ng apat na buwan.
Una nang sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang mauna na magpapaturok ng vaccine kung available na ang Sputnik-5.