KALIBO, Aklan – Bumuhos ang mga volunteers sa Oplan Broadcastreeing, isang taunang tree planting project sa Lambingan Beach, Brgy. Andagao, Kalibo.
Ang proyekto na sabay-sabay na isinagawa sa buong bansa na nasa ika-10 taon na ay pinangunahan ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at Department of Environment and Natural Resources Office (DENR).
Sinabi ni Apol Zaraspe, chairman ng KBP-Aklan chapter na kailangang mahikayat ang lahat na pangalagaan ang mga tumutubong puno maliban pa sa pagtanim ng punong kahoy.
Ayon sa kanya ang proyekto na isinasagawa bawat taon ay may layuning makatanim ngayong taon ng nasa 1,000 seedlings ng bakhawan tree na donasyon ng DENR para malalapit sa coastal area sa Lambingan Beach na natukoy ng DENR na planting site sa ilalim ng expanded National Greening Program.
Dagdag pa nito, mapapansin umano ngayon na kakaunti na ang tutubi na senyales na hindi na maganda ang oxygen level sa paligid dahil sa kakulangan ng mga punongkahoy.
Maliban sa KBP at DENR, ilan pang organisasyon ang nakibahagi sa event na kinabibilangan ng Aklan Police Provincial Office, Kalibo Police Station, Philippine Coast Guard Auxilliary, Bureau of Fire Protection, LGU-kalibo, bikers at iba pa.