Target ngayon ng Department of Health (DOH) na makapagsagawa ng 8,000 hanggang 10,000 coronavirus disease 2019 (COVID-19) tests sa katapusan ng Abril.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, maaari raw makapagsagawa ang bansa ng mahigit sa 3,000 COVID-19 tests kada araw sa oras na alisin na ang ipinatupad na enhanced community quarantine.
“Sa katapusan naman po ng Abril, ay ang aming goal ay umabot po tayo ng 8,000 hanggang 10,000 tests kada araw,” wika ni Vergeire.
“Ngayon po sa tulong ng ibang laboratories umaabot na po sa 900 hanggang 1,200 ang ating naite-test sa isang araw,” dagdag nito.
“Amin pong tinataya na sa pagdating po ng April 14, tayo na po ay makakapag-test ng higit sa 3,000 na pinaghihinalang may COVID-19 sa isang araw.”
Binigyang-diin din ng opisyal na ang pag-apruba sa mga test kits na ginawa ng University of the Philippines-National Institute of Health ay mapapataas ang “testing capacity” ng bansa.