Nakiisa na rin ang Philippine Airlines (PAL) Group sa pagbibigay ng tulong para sa mga kababayan natin na sinalanta ng Bagyong Odette.
Ayon kay PAL Express President Bonifacio Sam, ito ay ang kanilang paraan ng pagtulong sa isinasagawang rescue at relief efforts ng pamahalaan.
Nagpadala ang ahensya ng nasa 100,000 kilograms ng food packs, water bottles, at iba pang basic necessities para sa mga bahagi ng Visayas at Mindanao na pininsala ng kalamidad.
Bukod dito ay nakapag-rescue rin ang PAL ng tinatayang 430 residente at mga na-stranded na indibidwal mula sa Siargao sa pamamagitan ng limang recovery missions mula Siargao hanggang Maynila mula noong Disyembre 19 hanggang 24.
Sinabi ng PAL spokesperson na si Cielo Villaluna, ang mga ipinamamahaging relief items ay mula sa donasyon ng Tan Yan Kee Foundation, Lucio Tan Group, iba’t iba pang ahensya ng gobyerno, at non-government organizations.
Aniya, gamit ang 86-seater na eroplano ay nagpadala ng food packs, water bottles at iba pang mga pangangailangan ng mga apektadong residente.
Patuloy din aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang stakeholders upang makapagbigay ng dagdag na tulong at suporta sa mga lalawigan na tinamaan ng kalamidad.