Ginugunita ng Simbahang Katolika sa buong mundo ang ika-100 taon ng kapanganakan ni Pope St. John Paul II ngayong araw, Mayo 18.
Sa Vatican, inalala ni Pope Francis ang centennial birth anniversary ng dating Santo Papa.
Inanyayahan din ni Pope Francis ang mga Katoliko na alalahanin si John Paul III na may “pagmamahal” at “pasasalamat”.
Patuloy din aniyang nagsisilbing tulay si St. John Paul II para matiyak ang kapayapaan sa buong mundo.
“From Heaven may he continue to intercede for the People of God and peace in the world,” wika ng Catholic pontiff.
Nakatakda namang mag-alay si Pope Francis ng misa sa puntod ni St. John Paul II sa St. Peter’s Basilica.
Maalalang si Pope John Paul II, na Karol Wojtyla sa tunay na buhay, ay isinilang sa Wadowice, Poland noong Mayo 18, 1920.
Umupo si Pope John Paul II bilang pinuno ng mahigit 1-bilyong Katoliko sa buong mundo noong 1978 hanggang sa kanyang pagpanaw noong 2005.
Dalawang beses din nagtungo ang dating Catholic pontiff sa Pilipinas: una noong 1981 at huli noong 1995 na nataon din sa selebrasyon ng World Youth Day.