Maigting na binabantayan ng mga awtoridad ngayon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nasa 102 lugar sa rehiyon na itinuturing na election hot spots.
Kabilang dito ang tatlong mga lungsod ng Cotabato, Lamitan at Marawi.
Ang BARMM ay mayroong 116 bayan sa probinsiya ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at mga siyudad ng Cotabato, Marawi at Lamitan habang may 63 villages sa anim na munisipalidad ng Cotabato province.
Ayon kay Brig. Gen. Cabalona, BARMM police director, nasa 18 mula sa 102 lokalidad sa rehiyon ang iniuri bilang areas of immediate concern o critical areas habang nasa 34 naman ang areas of concern dahil sa presensiya ng mga armed group gaya ng Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Federation fighters at Daulah slamiyah.
Binabantayan din ang nasa 50 pang mga lugar dahil sa may history ang mga ito ng election-realates violence.
Tiniyak naman ni BARMM interim Chief Minister Ahod “Al-Haj Murad” Ebrahim na nanguna sa isinagawang Regional Peace and Order Council (RPOC) meeting na ang regional government gayundin ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), na kaniyang pinamumunuan ay tutulong sa pagtiyak ng mapayapa, malinis at maayos na halalan.
Ayon kay Ebrahim ito ang unang pagkakataon na opisyal na makikibahagi ang MILF sa electoral process bilang parte na rin ng kanilang isinusulong na pagbabago mula sa pagiging ar,ed revolutionary organization sa pagiging isang political party.