Iniulat ng Department of Health (DOH) na nasa kabuuang 104 healthcare workers na sa bansa na natamaan ng COVID-19 ang binawian ng buhay.
Ito ay katumbas ng 0.4% ng kabuuang bilang ng mga nasuri na healthcare workers na nagpositibo sa COVID-19 na umaabot sa 24,284 base sa latest COVID-19 situation report ng DOH hanggang noong Setyembre 13.
Sa tally sa mga medical workers na positibo sa SARS-CoV2, malaking porsyento dito na nasa 98.1% o 23,814 healthcare workers ang gumaling na sa sakit habang mayroong 1.4% o 366 ang aktibong kaso.
Karamihan naman sa mga healthcare workers ang nakakaranas ng mild COVID-19 na nasa 22,195 naman ang asymptomatic, 20 ang moderate habang nasa 21 medical workers ang nakakaranas ng severe condition at siyam ang may critical condition.
Maaalala na ilang mga health workers ang nagsagawa ng ilang serye ng protesta hinggil sa pagkaantala ng kanilang special risk allowance.
Subalit batay naman sa DOH, mayroon ng P14.3 billion ang naipamahagi sa mga public at private health workers hanggang Setyembre 3.