-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Kinikilala na bilang oldest COVID-19 (Coronavirus Disease -2019) survivor ng Baguio City at posibleng sa buong bansa ang isang 106-anyos na lolo na tubong Aguinaldo, Ifugao at ngayon ay residente ng Barangay Irisan, Baguio City.

Nakalabas ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) ang nasabing centenarian kahapon, matapos ang 13 araw na pananatili nito sa nasabing pagamutan.

Pinayagan itong makalabas batay sa clinical evaluation at risk assessment ng mga doktor ng BGHMC at sa negatibong swab result.

Batay sa record, sumailalim ang centenarian sa swab test matapos makaramdam ng mild symptoms ng sakit at nagpositibo ang resulta nito na lumabas noong October 9.

Na-admit ang pasyente sa BGHMC kahit na mild symptoms lamang ang kanyang nararamdaman dahil sa edad nito na kasali sa “vulnerable” group.

Batay sa alituntunin ng Department of Health, pwedeng ma-discharge ang mga pasyenteng hindi na nakakaramdam ng sintomas ng COVID-19 matapos ang 11 na araw na pagsasailalim nila sa isolation at hindi na kailangang sumailalim muli sa swab test.

Umaasa naman ang anak ng centenarian na maging inspirasyon ang kanilang ama sa lahat ng mga COVID-19 patients.

Sa send-off ceremony, inialay ang isang dance number sa “oldest COVID survivor” ng Baguio City.