CENTRAL MINDANAO – Sinimulan ni Cotabato Governor Nancy Catamco ang pagdiriwang ng 106th Founding Anniversary ng lalawigan sa pamamagitan ng launching ng Food Security Program sa bayan ng Alamada Cotabato.
Sentro ng programa ang pagsisimula ng tatlong araw na “Taniman 106” kung saan full force ang provincial government sa pangunguna Gobernadora katuwang ang LGU-Alamada sa pamumuno ni Mayor Jesus “Susing” Sacdalan, Vice Mayor Leonigildo Calibara, SP Members, mga Barangay Kapitan at iba pang mga stake holders at organisasyon sa pagtatanim ng 106 na puno ng iba’t ibang uri ng prutas.
Sinabi ni Catamco na ang aktibidad na ito ay bahagi ng kanyang komprehensibong programa upang siguraduhin na mayroong sapat na pagkain sa hapag kainan sa gitna ng pandemyang nararanasan.
Ang Taniman 106 ay ginanap rin sa bayan ng Mlang at sa ngayong araw Agosto 31 ay sa bayan ng Magpet.
Isang payak ngunit makabuluhang culmination day ang gagawin sa kapitolyo sa September 1 bilang pagdiriwang ng araw ng probinsya at dineklarang Special Working Day.