-- Advertisements --
image 43

TUGUEGARAO CITY-Nasa evacuation center pa ang 107 na pamilya na binubuo ng 235 na indibidual na lumikas kamakalawa mula sa Sitio Rigga-ay sa Barangay Hacienda Intal, Baggao, Cagayan bunsod ng engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at New People’s Army.

Sinabi ni Jason Suyu, barangay kagawad na nasa isang lugar ngayon sa Sitio Birao proper ang mga nasabing residente.

Ayon sa kanya, natakot at nag-panic ang mga residente nang makarinig sila ng putukan ng baril at nagulat sila ng malaman na may labanan sa pagitan ng mga sundalo ng 95th Infantry Battalion at nasa 15 miembro ng rebeldeng grupo.

Sinabi ni Suyu na upang matiyak na walang makakapasok na miembro ng NPA na magpapanggap na residente sa evacuation center ay tinitignan ang mga ID ng mga pumapasok sa lugar.

Ayon sa kanya, pinapayagan naman ang isang miembro ng pamilya na pumunta sa kanilang lugar para tignan at pakainin ang kanilang mga alagang hayop subalit kailangan na agad na bumalik sa evacuation center.

Sinabi niya na hindi pa nila tiyak kung hanggang kailan magtatagal sa evacuation center ang mga lumikas dahil depende ito sa abiso sa kanila ng mga sundalo na nagbabantay sa lugar.

Patuloy parin ang hot pursuit at clearing operation sa mga rebeldeng grupo.

Idinagdag pa ni Suyu na may inilatag na rin na checkpoint ang PNP sa Hacienda Intal.