Mas mababa ngayon ang iniulat ng Department of Health na mga bagong nadagdag na dinapuan ng COVID-19 na umaabot 10,748.
Sa kabuuan ang mga nagkasakit sa coronavirus mula noong nakaraang taon ay nasa 2,604,040 na.
Mayroon namang naitalang mga bagong gumaling na nasa 16,523.
Dahil dito bumaba naman sa 106,160 ang mga aktibong kaso sa bansa.
Ang mga nakarekober na sa virus ay umaabot na sa 2,459,052.
Gayunman merong 61 ng mga nadagdaga na pumanaw bunsod pa rin sa deadly virus.
Ang death toll sa bansa ay umaabot na sa 38,828.
Meron namang tatlong laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
“Bagamat bumaba ang bilang ng ating mga kaso, mapapansin na mataas pa rin ang ating healthcare utilization rate. Huwag tayong maging kampante at patuloy na sumunod sa minimum public health standards at magpabakuna kapag tayo ay eligible na upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19,” bahagi pa rin ng abiso ng DOH.
Una rito, humingi nang pang-unawa ang DOH sa panibagong pagkaantala ng kanilang mga data para sa mga bagong COVID cases sa bansa.
Magugunitang tuwing ika-apat ng hapon dati rati ay inilalabas ang data ukol sa nasabing mga kaso, ngunit nitong mga nakaraang araw, naging atrasado ang pagsasapubliko nito.
Paliwanag ng ahensya, pabalik-balik ang kanilang problema sa data collating system na COVIDKaya, kung saan patuloy naman ang ginagawang pagsasa-ayos.
Dahil sa bagong isyu, nailabas ng DOH ang new COVID cases data dakong alas-8:00 na ng gabi.