-- Advertisements --
maguindanao ampatuan massacre
Maguindanao Massacre

KORONADAL CITY – Binigyang-diin ni Justice Now Movement President Emily Lopez na matagal na sanang naresolba ang malagim na Maguindanao massacre case.

Reaksyon ito ng opisyal kasabay ng isang dekada nang paggunita sa kahindik-hindik na yugto ng kasaysayan sa Pilipinas noong Nobyembre 23, 2009.

Inihayag ni Lopez Bombo Radyo Koronadal na matagal na sanang natapos ang naturang kaso at hindi naging mailap sa kanila ang katarungan kung matagal itong inaksyonan ng nakaraang mga administrasyon.

Pero ayon kay Lopez, kumpiyansa silang magiging kakampi nila ang desisyon ng korte dahil sa bigat ng mga katibayan at mga testigo na kanilang pinanghahawakan laban sa mga responsable sa masaker.

Ngunit kung hindi aniya mahahatulang guilty ang mga ito lalo na ang prime suspect na si Andal Ampatuan Jr., isa umano itong senyales na patay na ang sistema ng hustisya sa Pilipinas.

Para naman kay Jhanchienne Maravilla na anak ni former chief of reporter Bombo Bart Maravilla, patuloy ang kanilang pakikipaglaban hanggang sa makamit nila ang matagal nang inaasam na katarungan para sa kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay.

Kabilang sa mga aktibidad ngayong araw ng anibersaryo ay ang site visit na pangungunahan umano ni Communications Secretary Martin Andanar kasama ng National Press Club, at press conference kasama ang mga pamilya ng mga biktima.