BAGUIO CITY – Nakatakdang depensahan ng IBF (International Boxing Federation) Junior Bantamweight Champion na si Jerwin Ancajas ang kanyang titulo kontra sa former Olympian at undefeated Argentine boxer na si Fernando Martinez.
Si Ancajas ang may hawak ng titulo na IBF Junior Bantamweight Champion mula pa noong September 2016 hanggang sa kasalukuyan. Siya rin ay may boxing record na 33 panalo, isang talo at dalawang draw.
Ang kanya namang makakatunggali na si Martinez ay may 13 panalo at wala pang talo.
Sa exclusive interview ng 89.5 Star FM Baguio kay Ruth Balaoing, nagkuwento ito sa pag-eensayo ng kanyang asawa sa Las Vegas, Nevada, na aniya’y excited ding lumaban sa loob ng ring sa ika-10 pagkakataon.
“Continue po ang training niya. Ngayon talagang pinaghahandaan ni Jerwin ang kanyang pang-sampung depensa. Si Jerwin po, may disiplina sa sarili. [Once] na gusto niyang makamit ang goal niya, talagang ipu-push niya. Excited siya at sabik na din po siyang lumaban muli,” paglalarawan ni Balaoing.
Kung maaalala, nakatakda sanang lumaban ng unification fight si Ancajas noong New Year’s Eve sa Japanese boxer na si Kazuto Ioka ngunit hindi ito natuloy dahil sa pagtaas ng kaso ng Omicron variant.
Gaganapin ang Ancajas – Martinez fight sa The Cosmopolitan sa Las Vegas, Nevada sa darating na February 26.