Nagtipon-tipon ngayon ang mga kaanak at malalapit na kaibigan ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino sa puntod nito sa Manila Memorial Park, Paranaque City para gunitain ang 10th year death anniversary ng dating presidente.
Kabilang sa mga nagpunta ang mga anak nitong sina dating Pangulong Noynoy Aquino, Ballsy Aquino-Cruz at Pinky Aquino-Abellada.
Dumalo rin sa maikiling programa si Senate Minority Leader Franklin Drilon at dating Sen. Rodolfo Biazon, na chief of staff ng Armed Forces of the Philippines noong administrasyong Aquino.
Nanguna sa misa si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ng anak na si dating Pangulong Noynoy ang pagkilala sa ina na naging matatag sa kabila ng kanilang mga pinagdaanan.
Kinilala rin nila Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Leila de Lima ang yumaong dating pangulo dahil sa naging ambag nito para maibalik ang demokrasya sa bansa.
“Sa salita ngayon, lodi ng demokrasya si Pangulong Cory. Inspirasyon siya ‘di lang sa Pilipinas. Pilipinas ang nagpauso ng mapayapang people power sa buong mundo,” ani Pangilinan.
“Senator Leila M. de Lima has joined the nation in commemorating the 10th death anniversary of the late President Corazon Aquino today, saying her legacy still lives in the hearts of millions of people who were touched by her courage and heroism,” ani De Lima sa isang statement.
Si Aquino ang asawa ng pinaslang na si Sen. Ninoy, at ang kauna-unahang babaeng pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas.
Isa rin ito sa mga naging imahe ng People Power movement na nagpatalsik noon kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.