BAGUIO CITY – Nagsimula nang maramdaman ang mababang temperatura sa lungsod ng Baguio matapos maitala ngayong umaga ang pinakamababang temperatura para sa taong 2021.
Ayon kay weather forecaster Letty Dispo, naitala kaninang madaling araw ang 11.0°C na pinakamababang temperatura ng Baguio.
Posible pang maitala ang mas mababang temperatura sa lungsod sa mga susunod na araw o linggo.
Gayunman, inaasahang mas mababa ang temperatura ng ilang bayan sa lalawigan ng Benguet gaya ng Atok, Kibungan at Buguias at sa mga matataas ding bayan ng Mountain Province at Ifugao.
Una nang sinabi ni Mt. Pulag Protected Area Management Office na karaniwang naglalaro sa 4-6°C ang naitatalang temperatura sa summit ng Mount Pulag sa Kabayan, Benguet na siyang ikalawang pinakamataas na bundok sa bansa.
Batay sa record, naitala ang 6.3°C na lowest temperature sa City of Pines noong January 18, 1961 na sinundan ng 6.7°C noong February 23, 1963 at 6.8°C noong January 8, 1968.